Pinoy pugs nalagasan uli
MANILA, Philippines — Tuluyan nang nasibak si Ian Clark Bautista habang dalawa pang miyembro ng national boxing team ang sasalang para makahirit ng puwesto sa quarterfinals sa pagpapatuloy ng 2019 AIBA World Boxing Championships na ginaganap sa Yekaterinburg, Russia.
Lumasap si Bautista ng 1-3 split decision loss kay Mirko Jehiel Cuello ng Argentina sa second round ng men’s featherweight (57 kgs.) division.
Pumanig kay Cuello ang tatlong hurado mula Sri Lanka (30-27), England (29-28) at Jordan (29-28) habang tanging ang Algerian judge lamang ang pumabor kay Bautista matapos ibigay ang impresibong 30-27 desisyon.
Nakita ng Italian judge ang laban na tabla sa 28-28 iskor.
Gayunpaman, nananatiling lumilipad ang bandila ng Pilipinas dahil sasalang sina reigning Southeast Asian Games champion Eumir Felix Marcial at Cagayan de Oro City pride Carlo Paalam sa kani-kanilang laban.
Sasagupain ni Paalam si Jo Seh Yeong ng South Korea sa third round ng men’s flyweight class (52 kgs.) ngayong araw.
Nakatakda naman ang laban ni Marcial kontra kay Omurbek Bekzhigit ng Kyrgyzstan sa men’s middleweight (75 kgs.).
- Latest