Foton babawian ang Generika-Ayala sa 2nd round
MANILA, Philippines — Hangad ng two-time champion Foton na makaresbak sa Generika-Ayala sa second round ng 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference sa The Arena sa San Juan City.
Muling magtutuos ang Tornadoes at Lifesavers ngayong alas-6 ng gabi matapos ang duwelo ng Cignal at Sta. Lucia Realty sa alas-4 ng hapon.
Nais ng Foton na makabawi sa kanilang tinamong 25-22, 24-26, 19-25, 17-25 pagkatalo sa Generika-Ayala sa first round noong Hunyo 20.
Nakasakay ang Tornadoes sa five-game winning streak kabilang ang 25-21, 25-21, 25-15 demolisyon sa PLDT Home Fibr noong Huwebes.
Mabagsik ang Foton dahil nariyan sina Dindin Manabat at Jaja Santiago na pangunahing inaasahan ng tropa.
Gumawa si Manabat ng 14 points sa naturang laro, habang nagdagdag si Santiago ng 10 kills, 2 blocks at 1 ace para tulungan ang Tornadoes na makuha ang solong No. 3 spot tangan ang 6-3 marka.
“We can’t be contended because there are still things that we have to work out as a group for us to win convincingly,” ani Foton head coach Aaron Velez.
Pakay naman ni Generika-Ayala coach Sherwin Meneses na maibangon ang kanyang bataan mula sa three-set loss sa Petron noong Martes.
- Latest