F2 Logistics masusukat sa Petron
MANILA, Philippines — Asahan ang matinding bakbakan sa pagtutuos ng nagdedepensang Petron at F2 Logistics sa pagpapatuloy ng 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.
Aariba ang Blaze Spikers laban sa Cargo Movers sa alas-7 ng gabi matapos ang duwelo ng PLDT Home Fibr at Cignal HD Spikers sa alas-4:15 ng hapon.
Nakahawak sa solong pamumuno ang Cargo Movers tangan ang imakuladang 3-0 baraha.
Pangunahing kumukuha ng lakas ang F2 Logistics kay Filipino-American Kalei Mau na malaking tulong para suportahan sina Ara Galang, Aby Maraño, Majoy Baron, Kianna Dy, Michelle Cobb at Dawn Macandili.
“She’s the missing piece to the team because we didn’t have a go-to-guy like her for the past conference. She has a high-percentage in attacking and anytime I need a go-to-guy and a leader, she’s ready to carry the team,” ani F2 Logistics coach Ramil De Jesus.
Kaya naman masusubukan ang lakas ng Blaze Spikers na tangkang makumpleto ang three-peat sa All-Filipino Conference.
Galing ang Blaze Spikers sa pukpukang 22-25, 16-25, 25-16, 25-17, 15-10 come-from-behind win laban sa Foton noong Martes kung saan bumandera si team captain Frances Molina na may 15 attacks, apat na aces at isang block.
Nagbigay ng solidong kontribusyon si UAAP Season 81 MVP Sisi Rondina na nagrehistro ng 14 markers gayundin kina middle blockers Remy Palma at Mika Reyes na may pinagsamang 26 puntos.
“Honestly, we’re sad with our performance in the first two sets. We failed to show our real game. But we will be carrying this momentum when we face F2 Logistics on Thursday,” ani Petron coach Shaq Delos Santos.
Sa kabilang banda, target ng Cignal na masundan ang kanilang 25-27, 25-22, 25-10, 25-21 unang panalo sa Sta. Lucia Realty noong Martes.
- Latest