Katatagan ng F2 Logistics masusukat sa Foton
MANILA, Philippines — Itataya ng F2 Logistics ang malinis na rekord nito laban sa mapanganib na Foton Tornadoes sa pagpapatuloy ng 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference ngayong hapon sa Imus Sports Center sa Cavite.
Maghaharap ang Cargo Movers at Tornadoes sa alas-4 matapos ang duwelo ng PLDT Home Fibr at Sta. Lucia Realty sa alas-2.
Hawak ng Cargo Movers ang solong pamumuno tangan ang 2-0 marka.
Matikas ang debut game ni Filipino-American Kalei Mau na nagpasikat sa 25-15, 27-25, 25-22 panalo ng F2 Logistics sa PLDT.
Mainit ang palad ng 6-foot-2 outside hitter nang magtala ito ng 17 puntos tampok ang 14 attacks kasama ang 14 digs at walong receptions.
“Not bad for a first timer. She’s still making some adjustments in training. The good thing is that she’s very open to suggestions and she’s willing to adjust,” ani F2 Logistics coach Ramil de Jesus.
Maganda ang koneksiyon ni Mau kina Aby Maraño, Dawn Macandili, Ara Galang, Kianna Dy at Majoy Baron para mas maging solido ang Cargo Movers.
Hangad naman ng two-time Grand Prix champion Foton na makabawi sa 25-22, 24-26, 19-25, 16-25 kabiguan sa Generika-Ayala noong Huwebes.
Bumalik na ang bangis ni Dindin Santiago-Manabat na nagsumite ng 19 markers sa naturang laro habang nagdagdag naman si Jaja Santiago ng 14 markers para sa Tornadoes.
Subalit hindi ito sapat para tuluyang mahulog ang Foton sa 1-1 baraha.
Maliban sa Santiago sisters, kailangan ang lakas ni Elaine Kasilag gayundin ang suporta mula kina team captain Mina Aganon, middle blocker Maika Ortiz, playmaker Gyselle Sy at libero Jen Reyes.
“Foton is a tall team. It won’t be an easy match for us. But the good thing is they already played two matches. We can scout Foton’s movement,” ani De Jesus.
- Latest