Cariño tututukan ng lahat
TAGAYTAY CITY, Philippines — Inaasahang maagang kikilos si El Joshua Cariño ng Philippine national team para sa pangarap na maging kauna-unahang back-to-back champion.
“Ready naman ako. Medyo okay ‘yung ensayo namin at nasa magandang kondisyon kami,” sabi ni Cariño sa pagsabak ng national squad sa 2019 Le Tour de Filipinas.
Target ni Cariño ang kanyang ikalawang sunod na korona sa nasabing Category 2.2 event na may basbas ng International Cycling Union (UCI).
Bibitawan ngayong umaga ang Stage One ng Le Tour na may distansyang 129.50 kilometro na sisimulan at tatapusin sa Tagaytay City Praying Hands Monument.
Idaraos naman bukas ang krusyal na Stage Two 194.9 kms mula sa Pagbilao, Quezon hanggang sa Daet, Camarines Norte na susundan ng Stage Three 183.70 kms sa Linggo mula sa Daet papuntang Legazpi City.
Ang Stage Four 176.00 kms ay gagawin sa Lunes galing sa Legazpi City via Sorsogon at Gubat pabalik sa Albay capital at ang Stage Five 145.80 kms ay nakatakda sa Martes sa Legazpi City via Donsol sa Sorsogon.
Kabuuang 75 siklista ang sasabak sa nasabing karera na lalahukan din ng mga foreign riders mula sa Singapore, Indonesia, Australia, Malaysia, China, Japan at Thailand.
- Latest