Riders masusukat sa Stage 2
MANILA, Philippines — Kung may bahagi man ng karera na magpapahirap sa mga kalahok na siklista sa darating na 2019 Le Tour de Filipinas, ito ay ang Stage Two.
Sinabi kahapon ng nagdedepensang si El Joshua Cariño na ang nasabing 194.9 kilometrong karera mula sa Pagbilao, Quezon hanggang sa Daet, Camarines Norte ang magpapabago ng ranggo ng mga kalahok sa nasabing five-lap race na may kabuuang 822.2 km.
“Walang Baguio-to-Baguio ngayon, kaya Stage 2 ‘yung pinakamahirap,” wika ni Cariño, miyembro ng national team na hangad maging kauna-unahang back-to-back champion ng Category 2.2 event na may basbas ng International Cycling Union (UCI).
“Kapag nakuha mo ‘yung KOM (King of the Mountain), mag-aalangan ka nang ituloy kasi mahaba pa ‘yung karera. Dapat nasa unahan ako para maganda ‘yung chance kong manalo,” dagdag pa nito.
Kabado rin si Celeste Cycle bet Mark Galedo, nagkampeon noong 2014, sa Stage Two na tinatawag nilang ‘killer lap’.
“Iyong haba ng distansiya, hindi ka basta-basta babanat. Dapat kakalkulahin mo kung saan ka aatake,” ani Galedo sa kanilang pagbisita sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Amelie Hotel-Manila.
Papakawalan ang Stage One 129.50 kms. sa Biyernes sa Tagaytay City kasunod ang Stage Two 194.9 kms. mula sa Pagbilao, Quezon hanggang sa Daet, Camarines Norte, ang Stage Three 183.70 kms. sa Sabado mula sa Daet patungo sa Legazpi City, ang Stage Four 176.00 kms. sa Linggo buhat sa Legazpi City via Sorsogon at Gubat pabalik sa Albay capital at ang Stage Five 145.80 kms. sa Legazpi City via Donsol sa Sorsogon.
- Latest