3-peat sa Petron XCS
PSL Beach Volley
MANILA, Philippines — Mabilis na dinispatsa ng Petron XCS ang Sta. Lucia Santorini sa finals para masikwat ang ikatlong sunod na korona sa Philippine Superliga Beach Volleyball Challenge Cup na ginanap sa Capitol Beach Front sa Lingayen, Pangasinan.
Nagtulong sina Far Eastern University ace Bernadeth Pons at Cesafi champion Dij Rodriguez para patumbahin sina Jackie Estoquia at Dhannylaine Demontano ng Lady Realtors, 21-10, 21-14.
Nahablot ni Pons ang ikatlong titulo.
Napanalunan ni Pons ang unang dalawang korona kasama si Sisi Rondina.
Ngunit hindi nakapaglaro si Rondina dahil kasama ito ng University of Santo Tomas sa finals ng UAAP Season 81 women’s indoor volleyball tournament.
“Sinabi sa akin ni Sisi na idefend daw ang title,” wika ni Pons.
Muling magkakasama sina Pons at Rondina sa FIVB Beach Volleyball World Tour na gaganapin sa Boracay sa Mayo 23 hanggang 26.
Napasakamay naman nina Bianca Lizares at Jennifer Costas ng Sta. Lucia Woodside ang tansong medalya makaraang itakas nito ang pahirapang 21-16, 14-21, 17-15 panalo laban kina Derie Rose Virtusio at Mary Rose Jauculan ng Petron Sprint 4T sa bronze-medal match.
Magandang konsolasyon nito para kay Costas na nagtamo ng arm injury sa quarterfinals ngunit nagawa pa ring makalaro sa semifinals at sa battle-for-third game.
Sa men’s division, naghari sina Edmar Bonono at Ran Ran Abdilla ng Cignal nang payukuin nila sina Kris Guzman at Efraem Dimaculangan ng Foton, 21-18, 19-21, 15-13 sa finals.
Nagkasya sa tanso sina Jason Lindo Uy at Philip Michael Bagalay ng Philippine Army na nagwagi naman kina Joshua Mina at Joshua Pitogo ng Emilio Aguinaldo College, 21-17, 21-14 sa bronze-medal match.
- Latest