Game 7!
Beermen, Hotshots magkakaalaman
Laro Nagyon (Smart Araneta Coliseum)
7 p.m. SMB vs Magnolia
MANILA, Philippines — Sa pinakahuling pagkakataon ay magtutuos ang nagdedepensang San Miguel at Magnolia para sa 2019 PBA Philippine Cup Finals.
Hangad ng Beermen ang kanilang pang-limang sunod na All-Filipino Cup samantalang target naman ng Hotshots ang back-to-back title matapos maghari noong 2019 PBA Governor's Cup.
Nakatakdang paglabanan ng sisters teams na San Miguel at Magnolia ang korona sa Game Seven ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Pinuwersa ng Beermen ang Hotshots sa 'winner-take-all' match matapos kunin ang 98-86 panalo sa Game Six noong Linggo kung saan nagbida ang mga beteranong sina five-time PBA MVP June Mar Fajardo, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Ross at Marcio Lassiter.
“I'm happy for our players, especially 'yung mga experienced na players. Alam nila kung ano ang importance ng game na ito, alam nila kung paano manalo ng championship,” sabi ni San Miguel coach Leo Austria.
Dahil sa panalo ay naniniwala si Austria na naagaw ng San Miguel ang momentum mula sa Magnolia, itinakas ang 88-86 panalo sa Game Five mula sa game-winning jumper ni Mark Barroca.
“The momentum is on our side,” wika ni Austria sa kanyang mga Beermen. “I hope ma-sustain namin ang panalo namin sa Game Seven.”
Kumpiyansa naman si mentor Chito Victolero na ang kanyang mga Hotshots ang maghuhulog ng mga lobo mula sa kisame ng Big Dome.
Wala pang koponan ang nakakapaglista ng back-to-back wins sa kanilang titular showdown.
Nanaig ang Magnolia sa Games One, Three at Five samantalang inangkin ng San Miguel ang Games Two, Four at Six.
Samantala, tuluyan nang inaprubahan kahapon ng PBA Commissioner’s Office ang pagdadala ng Rain or Shine kay big man Raymond Almazan sa Meralco kapalit ng dalawang future first-round picks.
Ang pagdating ng 6-foot-8 na si Almazan sa Bolts ang matagal nang hinihintay ni one-time PBA Grand Slam champion coach Norman Black na umaasa lamang kina power forwards Ranidel De Ocampo, Cliff Hodge at Reynel Hugnatan at center Bryan Faundo.
- Latest