Ancajas wala sa listahan ni Moloney
MANILA, Philippines — Wala pa sa plano ni undefeated Australian world-ranked super flyweight Andrew Moloney na makalaban si reigning International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Jerwin Ancajas.
Ayon sa promoter ni Moloney na si Peter Maniatis, may ibang pinaplantsa ang kampo ng Australian boxer.
Kinumpirma ni Maniatis na isang Mexican fighter ang nakatakdang harapin ni Moloney sa Hunyo 14 na idaraos sa Town of Tweed Heads sa New South Wales, Australia.
Subalit hindi naman isinasantabi ni Maniatis ang posibilidad na magharap sina Ancajas at Moloney sa ibang pagkakataon.
Nais lang ni Moloney na isentro ang atensiyon nito sa matinding labang haharapin kontra sa Mexican boxer.
Maliban kay Moloney, isa pang tinututukan ng kampo ni Ancajas si World Boxing Council (WBC) super flyweight titlist Juan Francisco Estrada ng Mexico na nagtala ng unanimous decision win laban kay Srisaket Sor Rungvisai ng Thailand noong Abril 26 para mapanalunan ang WBC belt sa Inglewood, California.
Kasalukuyang nagpapahinga si Ancajas sa Amerika.
Nakatakda namang parangalan ng IBF si Ancajas matapos ang kanyang seventh-round knockout win kay Japanese mandatory challenger Ryuichi Funai noong Linggo sa Stockton Arena sa Stockton, California.
Ibibigay kay Ancajas ang Jersey Joe Walcott award na siyang pinaka-prestihiyosong parangal sa gala night na idaraos sa Mayo 30 sa Wynn Cotai sa Macau.
- Latest