Lakers sadsad sa Bucks
LOS ANGELES — Tumipa si Eric Bledsoe ng 31 points habang nagdagdag si Malcolm Brogdon ng 21 markers para pamunuan ang Milwaukee Bucks sa 131-120 paggupo sa Lakers.
Ito ang pang-walong sunod na arangkada ng Milwaukee at ika-10 dikit sa kanilang road games.
Ang basket ni Bledsoe ang nagtabla sa Bucks sa 118-118 para sindihan ang game-ending 15-2 run kasama ang pakikipagtulungan kay Brogdon, samantalang nagkaroon naman ng turnovers sina Rajon Rondo at LeBron James sa panig ng Lakers.
Humataw naman sina Brandon Ingram at James ng tig-31 points para sa Los Angeles habang may 20 markers si Rondo.
Sa Phoenix, humugot si Julius Randle ng 16 sa kanyang 22 points sa third quarter para pamunuan ang New Orleans Pelicans sa 130-116 paggupo sa Suns.
Tinapos ng New Orleans ang kanilang two-game losing skid.
Sa Sacramento, ibinuhos ni Landry Shamet ang walo sa kanyang 20 points sa fourth quarter at nagsalpak si Lou Williams ng dalawang free throws sa huling 7.9 segundo para tulungan ang Los Angeles Clippers na talunin ang Kings, 116-109.
Nagdagdag si Danilo Gallinari ng 19 points at 9 rebounds para sa season sweep ng Los Angeles laban sa Sacramento.
- Latest