PBA board tiwala sa tsansa ng Nationals
MANILA, Philippines — Kagaya ng kanilang naunang pahayag, solidong suporta ang ibibigay ng PBA Board para sa kampanya ng Team Pilipinas sa sixth at final window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Pinamunuan kahapon nina PBA Commissioner Willie Marcial at board chairman Ricky Vargas ang PBA delegation na bumiyahe patungo sa Doha, Qatar.
Nakatakdang labanan ng Team Pilipinas ni coach Yeng Guiao ang Qatar bukas sa Al-Gharafa Sports Club Multi-Purpose Hall.
“I have talked to coach Yeng Guiao, and he is confident we can win and make the World Cup. And I believe him,” ani Marcial.
Maliban kay Rene Pardo ng Magnolia, ang lahat ng miyembro ng PBA Board ay personal na manonood para sa pagsagupa ng Nationals sa mga Qataris.
“We all know that the team is made up of PBA players. So the entire board is flying to Qatar to support the team. We all know in the board how important these two games are for us. We want to win these games,” ani Al Panlilio, kinatawan ng Meralco sa PBA board at presidente ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Mula sa Doha, Qatar ay bibiyahe ang Team Pilipinas sa Astana sa Linggo para muling harapin ang tropa ng Kazakhstan.
May 5-5 record ang Team Pilipinas sa Group F sa ilalim ng Australia (9-1), Iran (7-3) at Japan (6-4) kasunod ang Kazakhstan (4-6) at Qatar (2-8).
Kailangang walisin ng Nationals ang mga Kazakhs at Qataris para sa tsansang makapaglaro sa 2019 FIBA World Cup sa China sa Agosto 15 hanggang Setyembre 15.
Babanderahan ni naturalized center Andray Blatche ang Nationals na binubuo nina five-time PBA MVP June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Poy Erram, Raymond Almazan, Troy Rosario, Marcio Lassiter, Gabe Norwood, Paul Lee, Scottie Thompson, Mark Barroca, Jayson Castro at RR Pogoy kasama si Cadet member Thirdy Ravena.
Si Pogoy ay magsisilbi pa ng kanyang FIBA suspensyon sa naturang laro kontra sa mga Qataris.
“I have talked to coach Yeng and Andray Blatche separately. They know the task at hand for us. For us to control our destiny, we have to win these two games,” ani Panlilio.
- Latest