Perpetual volley teams gagawa ng kasaysayan
MANILA, Philippines — Susubukan ng University of Perpetual Help System Dalta na gumawa ng kasaysayan na mawalis ang lahat ng titulo sa men at women’s divisions at sa juniors’ class sa NCAA Season 94 volleyball tournament.
Pumasok sa finals ang lahat ng volleyball teams ng Perpetual Help kabilang ang Lady Altas na nagtala ng come-from-behind win (25-17, 27-29, 19-25, 26-24, 16-14) laban sa top seed College of St. Benilde sa rubber match ng women’s semis noong Martes.
Nauna nang nagmartsa sa finals ang Altas at Junior Altas na parehong winalis ang lahat ng asignatura sa eliminasyon para awtomatikong masikwat ang tiket sa championship round.
Kung maisasakatuparan ng Perpetual Help ang sweep, mapapasama ito sa elite list ng koponang nakagawa ng naturang tagumpay sa liga.
Dalawang koponan pa lamang ang nakakagawa nito.
Una na ang dating NCAA member na Ateneo na nakumpleto ang sweep noong 1976.
Nagawa naman ito ng San Sebastian College-Recoletos ng limang beses noong 1984, 1994, 1995, 1996 at 2002.
Makakasagupa ng Perpetual Help sa best-of-three championship series ang defending champion Arellano University sa women’s division habang aariba naman ang Altas laban sa Blazers sa men’s side.
Makakalaban naman ng Perpetual Help ang Colegio de San Juan de Letran sa juniors’ category.
“We just want to preserve the tradition in excelling in NCAA volleyball and make our Perpetual Help officials and supporters proud,” wika ni Perpetual Help athletic director Sammy Acaylar na siya ring coach ng men’s squad.
Magsisimula ang finals series bukas (Biyernes) sa The Arena sa San Juan City habang lalaruin ang Game 1 sa Pebrero 8. Kung aabot sa Game 3, lalarga ito sa Pebrero 12.
Target ng men’s team na makuha ang ika-12 titulo sa liga habang ang women’s squad naman ay naghahangad na makopo ang ikaapat na korona.
Sa juniors, pakay ng Altalletes na masiguro ang ika-11 titulo.
- Latest