Delikado na ang Azkals
MANILA, Philippines — Nanganganib masibak sa kontensiyon ang Azkals matapos umani ng 0-3 kabiguan sa China sa 2019 Asian Football Confederation (AFC) Asian Cup noong Biyernes ng gabi sa Mohamed Bin Zayed Stadium sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.
Ito ang ikalawang pagyuko ng Pinoy booters sa Group C para manatili sa ilalim ng standings. Nauna nang umani ang Pilipinas ng 0-1 pagkatalo sa South Korea sa kanilang unang laro.
Dahil dito, kailangan ng Azkals na maipanalo ang kanilang huling laro laban sa Kyrgyzstan sa Maktoum Bin Rashid Al Maktoum Stadium sa Enero 16 , alas-9:30 ng gabi (oras sa Maynila).
Tanging ang dalawang mangungunang koponan lamang sa bawat grupo ang mabibiyayaan ng awtomatikong tiket sa knockout stage ng torneo.
Ngunit bibigyan ng slot ang apat na No. 3 teams sa lahat ng grupo na may pinakamataas na puntos.
Ramdam na ramdam ang pagkawala ni Azkals top goalkeeper Neil Etheridge matapos makalusot ang tatlong goals ng Chinese squad sa laban.
- Latest