Torres, Daquioag pumirma na rin
MANILA, Philippines — Alam ng Rain or Shine at San Miguel na may mahuhugot sila mula sa kanilang mga batang manlalaro.
Isang two-year contract ang pinapirma ng Elasto Painters kina shooting guard Ed Daquioag at big man Norbert Torres para mapanatiling intact ang kanilang koponan para sa darating na 2019 PBA Philippine Cup.
Muling makakasama nina two-time PBA Most Valuable Player James Yap, Beau Belga, Gabe Norwood at Maverick Ahanmisi sina Daquioag at Torres sa season-opening conference na magsisimula sa Enero 13 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Inaasahan na rin ang pagbabalik sa line-up ni 6-foot-8 center Raymond Almazan na nagkaroon ng konting tampo kay Rain or Shine coach Caloy Garcia.
Nahugot ng Elasto Painters si Daquioag mula sa Meralco kapalit ni guard Mike Tolomia habang nakuha naman ang 6’6 na si Torres buhat sa TNT Katropa para kay Don Trollano.
Nauna nang pinapirma ng Rain or Shine sina No. 6 overall pick Javee Mocon at No. 8 pick Jayjay Alejandro sa magkahiwalay na three-year deal.
Samantala, binigyan naman ng panibagong kontrata ng Beermen sina shooters Von Pessumal at Louie Vigil.
Sina Pessumal at Vigil, dating sniper ng Ateneo Blue Eagles at UST Tigers, ayon sa pagkakasunod, sa UAAP ay pinalagda ng San Miguel sa two-year contract.
Hangad ng Beermen ang kanilang record na ‘five-peat’ sa PBA Philippine Cup.
- Latest