Pinoy athletes tagumpay ang kampanya sa Asiad
MANILA, Philippines — Maningning ang kampanya ng pambansang delegasyon sa 2018 Asian Games na ginanap sa Jakarta at Palembang sa Indonesia matapos umani ng apat na ginto, dalawang pilak at 15 tansong medalya.
Nanguna sa matikas na ratsada ng Pinoy athletes ang golf team na pumalo ng dalawang ginto at isang tansong medalya tampok ang pamamayagpag ni Yuka Saso sa women’s individual event.
Nakipagtulong din si Saso kina Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go para masiguro ang gintong medalya sa women’s team event. Nakuha naman ni Pagdanganan ang tanso sa women’s individual category.
Hindi rin matatawaran ang husay ni Rio Olympics silver medallist Hidilyn Diaz na umani ng gintong medalya sa women’s –53 kg. division makaraang bumuhat ito ng 207 kgs. mula sa 92 kgs. sa snatch at 115 kgs. sa clean and jerk.
Tinalo ni Diaz sina Kristina Sermetowa ng Turkmenista at Surodchana Khambao ng Thailand na nagkasya sa pilak at tanso, ayon sa pagkakasunod.
Napasakamay naman ni Margielyn Didal ang ikaapat na gintong medalya ng Pilipinas nang pagreynahan ang women’s street sa skateboarding competition.
Umiskor si Didal ng 30.4 puntos para ilampaso ang pito nitong karibal kabilang sina silver medallist Kaya Isa ng Japan (25.0) at bronze winners Bunga Nyimas ng Indonesia (19.8).
Nakuha naman nina judoka Kiyomi Watanabe (women’s 63 kg.) at boxer Rogen Ladon (men’s flyweight) ang dalawang pilak ng bansa sa naturang quadrennial meet.
Maliban kay Pagdanganan, ang iba pang bronze medallists ay sina Eumir Felix Marcial at Carlo Paalam ng boxing; Almohaidib Abad, Jefferson Rhey Loon, Cherry Rose Regalado at Dines Dumaan ng pencak silat; Jeordan Dominguez, Dustin Jacob Mella at Rodolfo Reyes ng men’s team poomsae; Juvenile Faye Crisostomo, Rinna Babanto at Janna Dominique Oliva ng women’s team poomsae; Pauline Lopez ng taekwondo; Agatha Chrystenzen Wong at Divine Wally ng wushu; Daniel Caluag ng cycling; Meggie Ochoa ng ju-jitsu; at Junna Tsukii ng karatedo.
Mas nagningning pa ang Pilipinas dahil si NBA star Jordan Clarkson ang nagbitbit ng bandila ng Pilipinas sa opening ceremonies ng Asian Games sa Gelora Bung Karno Stadium.
Ang isang ginto, dalawang pilak at 15 tansong produksiyon ng Pilipinas ay di hamak na mas maganda kumpara sa nasungkit ng pambansang delegasyon na isang ginto, tatlong pilak at 11 tanso noong 2014 edisyon ng Asian Games sa Incheon, South Korea at sa tatlong ginto, apat na pilak at siyam na tanso sa Guangzhou, China noong 2010 edisyon.
- Latest