Heat tinusta ang Rockets
MIAMI -- Nagpakawala si guard Josh Richardson ng 22 points at nagdagdag si Tyler Johnson ng 19 markers para tulungan ang Heat na ungusan ang bisitang Houston Rockets, 101-99.
Sumakay ang Miami sa kanilang three-game winning streak ngayong season. Umiskor naman si James Harden ng 35 points sa panig ng Houston, nagwakas ang five-game winning streak nang tumama lamang sa rim ang three-point attempt ni Eric Gordon sa pagtunog ng final buzzer.
Ang pinakamasamang nangyari sa Rockets ay ang pagkawala ni point guard Chris Paul sa second quarter bunga ng strained left hamstring.
“It’ll be some time,” sabi ni Houston coach Mike D’Antoni kay Paul, sasailalim sa MRI ngayon.
Ang triple ni Gordon sa huling 37 segundo ang naglapit sa Rockets sa 99-101 at muling nakuha ang posesyon nang dalawang beses magmintis si Heat star Dwyane sa nalalabing 3.8 segundo.
Ang tumalbog na 3-point attempt naman ni Gordon para sa Houston ang nagtakas sa panalo ng Miami.
Nag-ambag si Derrick Jones Jr. ng 15 para sa Heat, nakahugot ng 11 at 10 markers mula kina James Johnson at Wade, ayon sa pagkakasunod.
Umiskor naman si Gordon ng 20 points para sa Rockets kasunod ang 14 ni PJ Tucker at 10 ni Danuel House Jr.
Nauna nang nagposte ang Houston ng NBA record na 26 triples sa panalo laban sa Washington Wizards noong Miyerkules.
Sa Los Angeles, kumamada si Danilo Gallinari ng 32 points habang may 26 markers si Lou Williams para pamunuan ang Clippers sa 125-121 panalo laban sa Dallas Mavericks.
Tinapos ng Los Angeles ang kanilang apat na sunod na kamalasan.
Humataw naman si rookie Luka Doncic ng season-high 32 points para sa Dallas kasunod ang 19 at 11 markers nina JJ Barea at DeAndre Jordan, ayon sa pagkakasunod.
Humakot si Jordan ng 22 rebounds sa una niyang laro sa Staples Center laban sa dati niyang tropa.
- Latest