Frayna, Fronda laglag sa Top 10
MANILA, Philippines — Kapwa nalaglag sa top 10 sina Woman International Master Jan Jodilyn Fronda at Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna makaraang tumabla sa kani-kanilang kalaban sa 7th Asian Continental Chess Championships (Second Manny Pacquiao Cup) noong Martes ng gabi sa Tiara Hotel.
Nakakuha lamang ng tig-limang puntos sina Fronda at Frayna para tumapos sa seven-player logjam sa pang-12th na puwesto.
Matapos ang tie-break, nakuha ni Fronda ang pang-16th overall spot habang si Frayna ay pang-18th sa nine-round tourney.
Sa huling araw, tumabla si Fronda kay third seed IM Guo Qi ng China habang si Frayna ay nakikipaghati rin ng puntos kay 13th seed WGM Nguyen Thi Thanh An ng Vietnam.
Si Woman FIDE Master Allaney Jia Doroy ay tumabla rin kay 11th seed WIM Mobina Alinasab ng Iran at tumapos sa ika-19th spot sa kanyang 4.5 puntos.
Sa kabila ng draw, nakakuha ang 17-anyos na si Doroy ng 101.6 rating points para madagdagan ang kanyang 1972 rating sa nasabing event na sinusuportahan nina Sen. Manny Pacquiao, Philippine Sports Commission at NCFP president Butch Pichay.
Nagwagi naman si IM Ruot Padmini ng India laban kay WGM Gong Qianyun ng Singapore sa tiebreak upang angkinin ang titulo sa women’s division.
Sa men’s division, ang 58-anyos na si IM Ricky de Guzman ay tumabla rin kay GM Abhimanyu Puranik ng India sapat na para maging Filipino best finisher sa pang-23rd spot sa kanyang limang puntos.
Nakakuha rin ng limang puntos si GM John Paul Gomez matapos tumabla kay dating women’s world champion GM Tan Zhongyi ng China. Si Gomez ay tumapos sa pang-27th spot pagkaraang ng tie-break.
Tinalo ni GM Wei Yi ng China si GM Amin Tabatabei ng Iran at Le Quang Liem ng Vietnam sa tie-break para sungkitin ang korona sa men’s division.
- Latest