Bersamina, Pascua isinalba ang Pinas

MANILA, Philippines — Nagwagi si International Master Paulo Bersamina laban kay GM Le Quang Liem ng Vietnam para itala ang unang upset win sa unang araw ng 7th Asian Continental Chess Championships (2nd Manny Pacquiao Cup) noong Lunes ng gabi sa Tiara Hotel ng Makati City.
Hindi nagpatinag ang 20-anyos na si Bersamina sa kredensyal ng third seed na si Quang Liem para tapusin ang laban sa 36 moves ng Guioco Piano habang tumabla naman ang 25-anyos na si Haridas Pascua laban sa fourth seed GM Santosh Gujrathi Vidit ng India sa 36-move ng Gruenfeld Defense para maiwasan ang shutout sa kampanya ng Team Philippines sa opening day.
Dahil panalo, agad nakisalo si Bersamina sa itaas ng 28-field tourney kasama si GM Nodirbek Abdusattorov ng Uzbekistan na tumalo naman sa Pinoy na si IM Chito Garma.
Natalo naman ang mga Pinoy Grandmasters na sina GM John Paul Gomez kay second seed GM Wei Yi ng China habang si GM Darwin Laylo ay nabigo rin kay fifth seed B. Adhiban ng India at si Joey Antonio ay nakatikim ng talo sa mga kamay ni 8th seed GM S.P. Sethuraman ng India sa ibang laro.
Nagpakita rin ng magandang umpisa ang Philippine women’s team makaraang makakuha ng tig-.5 puntos sina WGM Janelle Mae Frayna, WFM Shania Mae Mendoza, WIM Marie Antoinette San Diego at WFM Cherry Ann Mejia sa magkahiwalay na laban.
- Latest

















