Buwenamano sa UP, NU
Laro Ngayon(MOA Arena, Pasay City)
12 noon FEU vs DLSU (M)
4 p.m. ADMU vs ADU (M)
MANILA, Philippines — Ipinakita ng University of the Philippines Fighting Maroons ang malaking pag-asa matapos hiyain ang University of the East Red Warriors, 87-58 kahapon para sa magandang simula ng kanilang kampanya sa pagbubukas ng Season 81 UAAP basketball tournament sa MOA sa Pasay City.
Sa unang laro pa lamang agad nagpasiklab sina Nigerian import Bright Akhuetie, Juan Gomez de Liaño, Jun Manzo at Paul Desiderio para sa pagpaparamdam sa seryosong asam sa pag-angkin sa titulo sa taong ito.
Makaraan ang 33-tabla sa first half, umarangkada ng 11-4 run sina Akhuetie, Juan Gomez de Liaño, Manzo at Desiderio para umangat sa 44-37 kalamangan. Umabot pa sa malaking 67-47 ang agwat sa huling walong minuto ng laro.
Umiskor ng 16 puntos si De Liaño na may kasamang pitong rebounds at tatlong assists habang 15 puntos at 18 rebounds naman ang ginawa ni Akhuetie sa una niyang laro sa UAAP.
Tumulong din ng 12 puntos at 10 rebounds si Desiderio at 13 mula kay Manzo. Si Javi Gomez De Liaño ay umani rin ng 10 puntos.
“This is just the start. I’m happy to get this win and we can capitalize on this momentum we got. There’s nothing out there that we haven’t prepared for,” ani UP coach Bo Perasol.
Pinangunahan naman ni NBA three-time champion at two-time MVP Stephen Curry ng Golden State Warriors ang oath of sportsmanship sa ginanap na opening ceremonies sa 81st Season ng UAAP.
Sa ikalawang laro, nagpasiklab ang magkapatid na sina Dave at Shaun Ildefonso para iangat ang National University sa 75-70 panalo laban sa University of Sto. Tomas.
- Latest