Custodio itinakas ang Davao
MANILA, Philippines — Nagpasiklab si Bonbon Custodio ng 12 puntos sa huling limang minuto upang iangat ang Davao Occidental Tigers sa 82-77 panalo kontra sa Pampanga Lanterns sa pagpapatuloy ng 2018 MPBL Datu Cup noong Sabado ng gabi sa Alonte Sports Center sa Biñan City, Laguna.
Sa arangkada ni Custodio, binura ng Tigers ang 12-point deficit, 58-70 kung saan umiskor ang dating PBA standout ng 12 puntos sa kanyang kabuuang 24 puntos sa laro para manatiling buhay ang pag-asa na pumasok sa susunod na round.
Dahil sa panalo, umangat ang Tigers sa four-way tie sa ikalawang puwesto sa Southern Division kasama ang Parañaque, Patriots, Bacoor Strikers at Zamboanga Valientes sa parehong 4-3 win-loss kartada sa likuran ng nangungunang Muntinlupa Cagers (5-0).
Ang Lanterns ay bumaba sa solo 8th spot sa Northern Division sa 3-4 card.
Bukod sa malaking scoring, nagtala rin ang dating PBA Rookie team noong 2009 na si Custudio ng anim na rebounds at anim na assists para makuha ang “best player of the game” honor sa ikalawang pagkakataon.
Sa iba pang laro, nagwagi rin ang Laguna Heroes laban sa Parañaque Patriots, 76-52 para umakyat sa solo 8th spot sa Southern Division sa 3-4 slate.
Tumulong si Jai Reyes ng 21 puntos, siyam na rebounds at tatlong steals habang si Michael Mabulac ay umiskor ng 18 puntos na may kasamang pitong rebounds at dalawang blocks para sa Laguna Heroes.
- Latest