Zamboanga, Marikina nanalasa
MANILA, Philippines — Umiskor si Reed Juntilla ng 23 puntos para iangat ang Zamboanga Valientes sa 92-78 panalo laban sa Pasig Pirates habang nagwagi naman ang Marikina Shoemasters kontra sa Quezon City Capitals, 78-74 sa pagpapatuloy ng 2018 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup noong Huwebes ng gabi sa Pasig City Sports Center.
Bukod kay dating PBA standout Juntilla, tumulong din ng 15 puntos si Noy Javier at 11 mula kay Jonathan Parreno para masungkit ang ikalawang sunod na panalo ng Valientes at umangat sa 3-2 win-loss kartada.
Ang Tausug na manlalaro na si Das Esa ay umarangkada rin ng 10 puntos para sa Valientes ni coach Ednie Morones na umakyat sa solo second spot sa Southern Division sa likuran ng nangungunang Muntinlupa Cagers na hawak ang 3-0 card.
Sa iba pang laro, hindi man nakapuntos ang TV-Movie actor na si Gerald Anderson, ngunit sapat pa rin upang makuha ng Marikina Shoemasters ang kanilang ikalawang panalo sa limang laro at manatili sa pang-siyam na puwesto sa Southern Division.
Umani si dating Mapua standout Erwin Sta. Maria ng double-double performance sa kanyang 22 puntos at 12 rebounds para pangunahan ang panalo ng Shoemasters at tinapos ang three-game losing skid sa torneo.
Magpapatuloy ang MPBL ngayon sa paghaharap ng Imus Bandera at Bataan Risers sa alas-7 ng gabi habang magtatagpo naman ang Navotas at Muntinlupa sa alas-9 ng gabi sa Navotas Sports Complex.
- Latest