‘Triple Tower’ ng Foton tututukan
MANILA, Philippines — Ipaparada ng Foton Tornadoes ang solidong lineup sa PSL Invitational Conference na lalarga sa Sabado sa Smart Araneta Coliseum.
Masusubukan na ang tikas ni Ateneo de Manila University middle hitter Bea de Leon na bagong recruit ng Tornadoes kasama si University of the East outside hitter Shaya Adorador.
Makakasama ng dalawa sina Jaja Santiago, Dindin Santiago-Manabat, Maika Ortiz, CJ Rosario, Gen Casugod, Jen Reyes at Mina Aganon para lubos na palakasin ang Tornadoes.
“As the league becomes competitive, we’ll see how our ‘Triple Tower’ of Bea, Dindin and Jaja can blend together to give us our first ever Invitationals championship,” wika ni Rommel Sytin ng Foton.
Pakay ng Tornadoes na masungkit ang kanilang unang titulo sa Invitational Conference matapos magkampeon sa Grand Prix sa 2015 at 2016.
Ngunit mapapalaban ang Foton sa reigning Grand Prix titlist Petron na mayroon ring intact na lineup sa pangunguna nina Mika Reyes, Rhea Dimaculangan, Aiza Maizo-Pontillas at Frances Molina gayundin ang F2 Logistics na babanderahan naman nina La Salle stalwarts Kianna Dy, Dawn Macandili, Desiree Cheng at Aby Maraño. (CCo)
- Latest