De Jesus pinalitan ni Delos Santoso
MANILA, Philippines — Pinangalanan ng Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. si Petron mentor Shaq Delos Santos bilang bagong head coach ng women’s volleyball national team.
Papalitan ni Delos Santos si Ramil De Jesus na nagdesisyong magbitiw dahil sa masikip na iskedyul sa F2 Logistics at De La Salle University.
Handa si Delos Santos na harapin ang mabigat na tungkuling makabuo ng matikas na koponang isasabak sa ilang malalaking international tournaments kabilang na ang 2018 Asian Games na idaraos sa Agosto sa Indonesia.
Preparado rin si Delos Santos sa anumang putik na ibabato sa kanya ng mga bashers.
“Dalawa lang naman iyan. May pabor merong hindi. Noong tinanggap ko itong trabaho na ito, kasama na ‘yan sa magiging buhay ko. Hindi ko kailangang ma-down kung may issue na lalabas. Mas gagawin ko itong inspirasyon,” wika ni Delos Santos.
Kasama ni Delos Santos sa coaching staff sina UST coach Kungfu Reyes at Foton assistant coach Bryan Esquibel.
Usap-usapan din ang posibleng pagpasok ni Serbian coach Moro Branislav bilang consultant ng koponan.
Nakasama na ni Delos Santos ang pool ng national team kahapon sa Arellano University gymnasium at umaasa itong makakabuo ng solidong lineup para sa mga international tournaments na lalahukan ng tropa.
- Latest