Mayweather nasarapan sa pamamasyal sa Pinas
MANILA, Philippines — Mula sa tahimik na Pangulasian Island sa El Nido sa Palawan ay namasyal naman si Floyd Mayweather Jr. sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kung saan siya pinagkaguluhan ng kanyang mga Pinoy fans noong Miyerkules.
Pumasok ang 41-anyos na American boxing legend sa isang tindahan ng sapatos para tumingin-tingin.
Sa kanyang pagkain naman sa Chicken Inasal ay hindi naitago ni Mayweather ang kanyang kasiyahan.
“Oh yeah, that's good food,” sambit ng American world five-division champion kasabay ng pagtataas niya ng kanyang tinidor na may nakatusok na parte ng inihaw na manok.
Galing si Mayweather sa Bangkok, Thailand kung saan din siya namasyal at nagrelaks sa ilang beaches bago dumiretso sa Pilipinas.
Ito ang unang pagkakataon na bumisita sa bansa si Mayweather, tinalo si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao via unanimous decision sa kanilang mega showdown noong Mayo ng 2015.
Inasahan nang magkikita ang 41-anyos na si Mayweather at ang 39-anyos na si Pacquiao.
Subalit abala na sa kanyang pag-eensayo si Pacquiao para sa paghahamon kay WBA welterweight titlist Lucas Matthysse ng Argentina sa Hulyo 15 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sa panayam ng Unang Hirit sa GMA 7 ay sinabi ng Filipino world eight-divison king na nagkausap sila ni Mayweather noong Martes habang nasa Palawan ang tinaguriang pinakamayamang atleta sa buong mundo.
“Nagkausap kami sa telephone. Kumusta lang. Sabi ko, 'Welcome to the Philippines. Enjoy your vacation,” sabi ni Pacquiao. “Ini-invite ko nga siya na makapaglaro sila (rito ng basketball) may 4 days league rito sa GenSan eh.”
- Latest