Lady Tams babawi sa Game 2
MANILA, Philippines — Babawi ang Far Eastern University sa oras na muling makaharap ang nagdedepensang De La Salle University sa Game 2 ng UAAP Season 80 women’s volleyball tournament best-of-three championship series.
Matapos umani ng 27-29, 21-25, 22-25 kabiguan sa Lady Spikers sa series opener noong Sabado, balik-ensayo agad ang Lady Tamaraws para bumuo ng solidong plano at maipuwersa ang rubber match.
Sesentro ang atensiyon ng FEU sa mga errors.
Nagbigay ng 34 libreng puntos ang FEU sa La Salle mula sa kanilang pagkakamali kabilang ang 17 errors sa first set.
“Marami kaming errors sa Game 1 na dapat naming i-address. ‘Yun ang nagpatalo sa amin. Pero hindi kami titigil hangga’t hindi pa tapos ang laban. Kailangan lang naming magtrabaho para makuha yung panalo,” ani FEU mentor George Pascua.
Kung malilimitahan ang ganitong errors, lalakas ang tsansa ng Morayta-based squad kontra sa Lady Spikers.
Sa katunayan, dominado ng FEU ang spiking department tangan ang 37 hits kumpara sa 29 lamang ng La Salle.
Hindi pa pumutok si Bernadeth Pons sa naturang laro matapos malimitahan lamang ng La Salle sa blockers sa tatlong attacks.
Subalit handa ang graduating open hitter na ibuhos ang lahat para tulungan ang kanilang tropa na makabalik sa serye.
“Kailangan kong mas maging mautak sa paglalaro. Binantayan nila ako (sa Game 1) kaya kailangan mas makabawi ako sa Game 2 kailangan kong mag-charge ulit,” ani Pons.
Maliban kay Pons, kailangan din nina Chin Chin Basas, Jeanette Villareal at Celine Domingo na magbigay ng sapat na kontribusyon.
Nagkasya lamang sa pinagsama-samang 16 puntos sina Basas, Villareal at Domingo sa Game 1 habang si Heather Guinoo ang nagsilbing liwanag ng FEU matapos kumana ng 14 puntos.
Umaasa ang buong komunidad na magbabalik ang ‘swag’ ng FEU upang tibagin ang La Salle na armado ng solidong sistema.
Nakatakda ang Game 2 sa Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum. (CCo)
- Latest