Donaire nadiskaril ang tsansa sa title fight
MANILA, Philippines — Ito na marahil ang magpapakumbinsi kay dating world four-division champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire Jr. na mag-isip nang magretiro.
Tinalo ni dating world featherweight titlist Carl Frampton si Donaire via unanimous decision para angkinin ang bakanteng World Boxing Organization interim featherweight title kahapon sa SSE Arena sa Belfast, Ireland.
Nakahugot ang 31-anyos na si Frampton (25-1-0, 14 KOs) ng magkakatulad na 117-111 points para biguin ang 35-anyos na si Donaire (38-5-0, 24 KOs).
Ang panalo ang nagbigay kay Frampton ng pagkakataong hamunin si WBO king Oscar Valdez (24-0-0, 19 KOs) na sinasabing posibleng bitawan ang kanyang korona para kumampanya sa mas mabigat na weight division.
Isa naman itong malaking dagok para kay Donaire na naghahangad na makakuha ng title fight matapos maisuko ang dating suot na WBO super bantamweight crown kay Mexican Jessie Magdaleno noong Nobyembre ng 2016 sa undercard ng Manny Pacquiao-Jessie Vargas fight sa Las Vegas.
“My team, family, and Ringstar will have a meeting but I think it has already been predicated that although I have done my best to gain weight and keep my weight on and strong, it’s best I move back down in weight,” ani Donaire.
Nanggaling si Donaire sa isang unanimous decision victory laban kay Ruben Garcia Hernandez para sa WBC silver featherweight title noong Nobyembre ng 2017.
Nagpakiramdaman sina Frampton at Donaire sa opening round bago nakakonekta ang Irish star ng ilang matutulis na right straight na nagpamaga sa paligid ng kaliwang mata ng tubong Talibon, Bohol.
Isang uppercut ang naikonekta ni Donaire sa baba ni Frampton na nagpauga sa dating IBF at WBA featherweight king sa seventh round.
Alam na abante siya sa puntos, naging maingat na lamang si Frampton sa round 11 at 12 patungo sa kanyang panalo kay Donaire.
- Latest