La Salle inilaglag ang Ateneo
MANILA, Philippines — Pinabagsak ng nagdedepensang La Salle ang Ateneo, 26-24, 25-17, 25-19 upang engrandeng tapusin ang eliminasyon kahapon sa UAAP Season 80 women’s volleyball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Hindi hinayaan ng Lady Spikers na makalipad ang Lady Eagles matapos pamunuan ni playmaker Michelle Cobb ang matikas na ratsada ng Taft-based squad tangan ang 24 excellent sets.
“It was fight for pride. It was a morale-boosting win for us going into the Final Four. Now, I’m trying to embrace the role to lead the team and I am thankful that hey have their full trust in me and I have to perform well,” ani Cobb na nakakuha rin ng anim na puntos.
Mula sa magandang setting skills ni Cobb, nakakuha si opposite hitter Kim Kianna Dy ng 13 puntos tampok ang 12 attacks habang nagdagdag sina Desiree Cheng ng 12 markers at Tin Tiamzon ng 11 para sa La Salle na sumulong sa 12-2.
Dahil dito, lumagapak ang Lady Eagles sa ikatlong puwesto matapos lasapin ang ikalimang kabiguan sa 14 laro.
Napigilan naman ng Far Eastern University ang paghahabol ng National University tungo sa 25-21, 25-22, 16-25, 25-20 panalo na nagdala sa kanila sa No. 2 spot kalakip ang twice-to-beat card sa Final Four.
Inilabas ni MVP candidate Bernadeth Pons ang kanyang bangis nang magrehistro ito ng 17 puntos at 16 receptions para buhatin ang Lady Tamaraws sa 10-4 rekord.
Nakakuha ng solidong suporta si Pons mula kay middle Celine Domingo na nagtala ng 12 markers gayundin kina Jeanette Villareal at Toni Rose Basas na may pinagsamang 17 puntos.
Tinapos ng Lady Bulldogs ang eliminasyon ta-ngan ang 7-7 rekord.
Kasado na ang Final Four kung saan makakasagupa ng Lady Spikers ang Lady Bulldogs habang magtutuos ang Lady Tamaraws at Lady Eagles kung saan armado ang La Salle at FEU ng twice-to-beat.
Sa men’s division, binalian ng NU ang reigning champion Ateneo, 25-23, 21-25, 25-23, 25-19 para makuha ang top seeding sa Final Four tangan ang 12-2 rekord.
Nasiguro naman ng FEU ang No. 2 seed nang pabasakin nito ang La Salle, 23-25, 25-16, 28-26, 25-20 tungo sa parehong 12-2 kartada.
- Latest