Lady Falcons, Tams unahan sa krusyal na panalo
Laro Ngayon(MOA Arena)
2pm ADU vs FEU
4pm UP vs ADMU
MANILA, Philippines — Puntirya ng Far Eastern University at Adamson University na makuha ang krusyal na panalo upang mapalakas ang kanilang tsansa sa Final Four sa kanilang paghaharap ngayong hapon sa UAAP Season 80 women’s volleyball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Maghaharap ang Lady Falcons at Lady Tamaraws sa alas-2 na susundan ng duwelo ng Ateneo de Manila University at University of the Philippines sa alas-4.
Inupuan na ng nagdedepensang De La Salle University (9-2) at Ateneo (9-3) ang unang dalawang silya sa Final Four.
Dahil dito, maiiwan ang bakbakan para sa nalalabing tiket sa semis sa tatlong tropa kabilang na ang FEU na siyang may pinakamalapit na pag-asang maibulsa ang ikatlong puwesto sa Final Four tangan ang 7-4 baraha.
Sa kabila ng limang sunod na kabiguan, buhay pa rin ang pag-asa ng NU na may 6-6 marka gayundin ang Adamson na may 5-6 baraha.
Kaya naman ilalabas ng Lady Tamaraws ang buong lakas nito upang makalapit sa semis.
Mangunguna sa opensa si MVP candidate Bernadeth Pons kasama sina opposite spiker Chin Chin Basas, middle blockers Celine Domingo at Jeanette Villareal at open hitter Heather Guinoo.
Magsasalitan sa playmaking sina Kyle Negrito at Angel Cayuna. Makakatulong ng dalawa si libero Ria Duremdes upang makabuo ng solidong play partikular na sa mga middle hitters ng FEU.
Subalit mapapalaban ng husto ang FEU dahil handa ang Adamson na ibigay ang lahat para palakasin ang kanilang Final Four bid.
Kailangan ng Lady Falcons na makakuha ng mga panalo upang maungusan ang Lady Bulldogs sa No. 4 spot.
Kung manalo ang Ateneo sa UP at matalo ang FEU sa Adamson, pormal nang makukuha ng Lady Spikers at Lady Eagles ang twice-to-beat advantage sa semis.
- Latest