Matitikas na import ipaparada ng Pocari
MANILA, Philippines — Dalawang matitikas na imports ang kinuha ng three-time champion Pocari Sweat upang palakasin ang pagdepensa sa kanilang titulo sa Premier Volleyball League Reinforced Conference na magsisimula sa Mayo 6.
Ipaparada ng Lady Warriors sina American reinforcements Maddie Palmer at Arielle Love na parehong nasilayan sa prestihiyosong NCAA Division I sa Amerika.
Maraming pagbabago ang naganap sa Pocari.
Tanging tatlong manlalaro lamang ang natira mula sa orihinal na koponang nakasungkit ng kampeonato noong nakaraang taon.
Nangunguna na sa listahan si 2017 Reinforced Conference Finals MVP Myla Pablo kasama sina open spiker Elaine Kasilag at middle blocker Jeanette Panaga.
Kinuha rin ng Lady Warriors ang serbisyo ni Cesca Racraquin.
Nakipagkasundo rin ang Pocari sa Philippine Air Force kaya’t makakasama na ng Lady Warriors sina dating Lady Jet Spikers Wendy Semana, Gena Andaya, Mary Ann Balmaceda, Mary Ann Pantino, Iari Yongco, Angel Antipuesto, Mae Crisostomo at Dell Palomata.
Pasok na rin sa tropa si Air Force coach Jasper Jimenez na siyang pumalit kay Rommel Abella na kasalukuyang mentor ng Foton Tornadoes sa Philippine Superliga.
Tiwala ang pamunuan ng Pocari Sweat na mabilis na makakasabay ang dalawang imports sa sistema ng laro sa Pilipinas partikular na kasama ang mga local players ng Lady Warriors.
Naglaro si Love para sa Duquesne University habang nasilayan naman si Palmer para sa Radford University.
Ito ang unang professional league na lalaruan nina Love at Palmer kaya’t sabik na rin ang dalawa na makita ang lebel ng laro sa Pilipinas.
- Latest

















