Pinoy woodpushers asam ang 2-peat sa 19th ASEAN chessfest
MANILA, Philippines — Kumpiyansa ang National Chess Federation of the Philippines na maidedepensa ng mga Pinoy woodpushers ang kanilang overall crown sa pagsulong ng 19th Association of Southeast Asian Nation Age Group+ Chess Championship sa Hunyo 17-27 sa Davao City.
Noong nakaraang ASEAN na idinaos sa Pahang, Malaysia ay humakot ang mga Pinoy chess players ng kabuuang 83 gold, 37 silver at 29 bronze medals.
“In the last ASEAN Chess Championship held in Malaysia, we became overall champions. I believe we can defend our title,” wika kahapon ni NCFP president Cong. Prospero Pichay.
Plano ng NCFP na maglahok ng 200 woodpushers sa 2018 ASEAN Chess Championships, ayon kay Filipino Grand Master Jayson Gonzales, dating NCFP executive director at kasalukuyang ACC vice-president.
Humigit-kumulang sa 500 chess players mula sa 10 bansa ang inaasahang lalahok sa event na naglalatag ng 14 age groups sa ilalim ng junior division at dalawang age groups sa senior division.
Naniniwala naman si Philippine Sports Commissioner Charles Maxey na magiging matagumpay ang pamamahala ng bansa sa 2018 ACC.
Idinagdag ni AAG Director at Davao Coordinator James Infiento na ang mga mananalo ay makakakuha ng outright World Chess Federation’s FIDE Master at International Master chess titles bukod sa medalya.
Gagawin ang mga qualifying legs sa Luzon, Visayas at Mindanao para madetermina ang mga magiging official chess players na kakatawan sa bansa para sa naturang chess tournament.
Unang pinangasiwaan ng bansa ang ACC noong 2010 sa Subic.
- Latest