Pineda nag-ober da bakod sa Generika-Ayala
MANILA, Philippines — Tuloy ang nangyayaring rigodon sa Philippine Superliga.
Kinuha ng Generika-Ayala si Bang Pineda, ang ikatlong Petron player na lumipat sa Lifesavers.
Malaking tulong si Pineda para sa kampanya ng Lifesavers dahil maaari siyang maging spiker at libero.
Posibleng palitan ni Pineda si Kath Arado na hindi masisilayan sa Grand Prix dahil maglalaro siya para sa University of the East sa UAAP Season 80 women’s volleyball tournament na magsisimula sa Pebrero 3.
“Welcome aboard (Bang Pineda). We are excited to have you in the team. Let’s do this,” ayon sa pahayag ng Generika-Ayala sa kanilang twitter account.
Nauna nang lumipat sa bakuran ng Lifesavers sina middle blocker Ria Meneses at setter April Ross Hingpit na miyembro ng Blaze Spikers na nagreyna sa All-Filipino Conference at naging runner-up sa Grand Prix.
Napunta naman sa Petron si Generika-Ayala middle hitter Chloe Cortez na kaya ring maglaro bilang opposite spiker at open hitter.
Sa kabilang banda ay tumalon naman si Petron open spiker Carmina Aganon para sa kampo ng two-time Grand Prix titlist na Foton at makasama ang kanyang mga dating teammates sa National University na sina Jaja Santiago, Dindin Santiago, Jen Reyes at Ivy Perez.
Nagsimula nang sumali si Aganon sa training sessions ng Tornadoes na naghahanda para sa nalalapit na pagbubukas ng Grand Prix sa Pebrero 17.
- Latest