Ramirez papasaklolo sa NBI para imbestigahan ang anomalya sa karatedo
MANILA, Philippines — Isang anomalya sa karatedo federation ang gustong mahalungkat ng Philippine Sports Commission sa tulong ng National Bureau of Investigation.
Ayon sa pagbubunyag ni PSC Commissioner Ramon Fernandez, nagsanay ang 14-man national karatedo team sa Germany noong Hulyo 20 hanggang Agosto 9 at walang nakuhang allowance mula sa sports agency.
Ngunit inaprubahan ng PSC ang pondong P3,217,874.75 bilang allowance ng 15-man karatedo team na pinamunuan ni Philippine Karatedo Federation secretary-general Raymond Lee Reyes kasama si Iranian coach Ali Parvinfar.
“Yes, we want the NBI to help us and look into the matter,” ani PSC chairman William “Butch” Ramirez.
Makakatanggap sana ang bawat atleta ng daily allowance na US$90 o kabuuang US$1,800 sa koponang kinabibilangan nina Ireneo Soriano Jr., Mae Soriano, Miyuki Tacay, John Paul Bejar, Rexor Tacay, John Michael Vincent Badil, Engener Stoner Dagohoy, Jayson Ramil Macaalay, Carmelo Patricio Jr., OJ delos Santos, Sharief Afif, Erica Celine Samonte at Kimverly Madrona.
Ilan sa mga ito ay dumulog kay Fernandez at nagsabing binigyan lamang sila ng Euro$400 o US$470 bawat isa.
Dalawa sa mga atleta ay sumulat sa PSC para ilitanya kung paano nila natanggap ang kanilang allowance.
Bago bumiyahe ay tumanggap sila ng Euro$100 kasunod ang Euro$100 mula kay Ali sa unang mga araw ng kanilang ensayo sa Germany at ang Euro$200 galing kay Reyes na dumating matapos ang 13 araw.
Nagbigay ang PSC ng P1,193,570 para sa hotel accommodation, P322,966 para sa training seminar expenses, P140,420 para sa transportation, P140,420 para sa visa and insurance at P95,285 para sa gym rental.
Sinabi naman ni Reyes na hihintayin muna niya ang official complaint bago siya magsalita.
- Latest