Cone gagawa ng paraan para pigilan si Smith
Laro Ngayon (Mall of Asia Arena, Pasay City)
7 p.m. Ginebra vs TNT Katropa (Game 2)
MANILA, Philippines - Matapos malimitahan sa 6 points sa kabuuan ng first half ay humataw si import Joshua Smith ng 29 points sa second half para akayin ang TNT Katropa sa 100-94 panalo laban sa Barangay Ginebra sa Game One ng kanilang semifinals series para sa 2017 PBA Commissioner's Cup noong Linggo.
Sinabi ni Gin Kings' reinfrorcement Justin Brownlee na hindi na ito dapat maulit sa pagsagupa nila sa Tropang Texters sa Game Two ngayong alas-7 ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“We have to find some type of way to keep (Smith) off the offensive rebounds,” wika ni Brownlee sa malapad at mabigat na 6-foot-8 na si Smith.
Tumapos ang 330-pounder na si Smith na may 35 points, 13 rebounds at 4 assists para sa 1-0 bentahe ng TNT Katropa sa kanilang best-of-five semifinals showdown ng Ginebra.
Pinangunahan naman ni Brownlee ang Gin Kings sa kanyang 24 markers, 14 boards at 6 assists.
Inaasahang muling mananalasa sa shaded lane ang 24-anyos na si Smith, pumalit kay Dontay Green, para sa hangarin ng Tropang Texters na maiposte ang malaking 2-0 kalamangan sa kanilang serye ng Gin Kings.
“I feel like anytime they’ll single or double coverage, I see a conscious effort for myself to score. But it’s all about making the right basketball plays,” wika ni Smith.
Bukod kay Smith, muli ring sasandalan ng TNT Katropa sina Jayson Castro, Ranidel De Ocampo, Kelly Williams, Moala Tautuaa at rookie RR Pogoy.
Sina Brownlee, LA Tenorio, Japeth Aguilar, Joe Devance, Sol Mercado at Scottie Thompson naman ang itatapat ni two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone sa panig ng Ginebra.
Samantala, kasalukuyang pinag-aagawan ng Star Hotshots at San Miguel Beer ang Game 2 ng kanilang sariling best-of-sevent semis series.
Nakauna ang Hotshots sa serye nang kunin ang Game 1.
- Latest