PSL 113th National Series lalarga ngayon sa Bataan
MANILA, Philippines - Tuloy ang pagtuklas ng mga bagong talento sa pag-arangkada ngayong araw ng 113th National Series ng Philippine Swimming League sa Sibul Spring Nature Resort sa Abucay, Bataan.
Ang torneo ay magsisilbing tryout para sa mga nagnanais maging bahagi ng pambansang delegasyon na ipadadala sa mga international competitions sa Australia, Japan, Singapore, United Arab Emirates, India at Hong Kong.
“The Philippine Swimming League continues to launch its grassroots development program in Bataan. We hope to find more talents outside of Manila; we will continue the search has give more swimmers opportunities to compete in international competition,” wika ni PSL President Susan Papa.
Paglalabanan ang gintong medalya sa 6-under, 7-year, 8-year, 9-year, 10-year, 11-year, 12-year, 13-year, 14-year at 15-over sa boys at girls kung saan ang mangungunang mga tankers sa bawat kategorya ay gagawaran ng kani-kanilang Most Outstanding Swimmer awards.
Lalahok sa naturang event si Marc Bryan Dula ng Wisenheimer Academy na galing sa impresibong kampanya sa 2017 Prime Star Sport Academy Motivational Swimming Meet na ginanap sa Al Nasr Sports Complex sa Dubai, United Arab Emirates kung saan humakot ito ng 12 gintong medalya.
Sasabak din sina Diliman Preparatory School standouts Lee Grant Cabral, Albert Sermonia 2nd, magkapatid na Paul Christian King at Paula Carmela Cusing at Master Charles Janda na mga beterano ng international competitions.
Magpapasiklab din ang Mad Barracudas na pamumunuan naman ni Roger Dante Giron na medalist sa 2016 Indian Ocean All-Star Challenge na ginanap sa Perth, Australia.
- Latest