Corteza kampeon sa US Open Straight Pool
MANILA, Philippines - Nasungkit ni Lee Van Corteza ang kampeonato sa 2017 US Open Straight Pool Championship na ginanap sa Pool Table Magic sa Windsor Locks sa Connecticut sa Amerika.
Nairehistro ni Corteza ang 200-149 panalo laban kay dating world champion at Philippine Open titlist Thorsten Hohmann ng Germany sa championship round.
Umusad sa finals si Corteza matapos patumbahin si Chris Melling ng Great Britain sa semifinals sa pamamagitan ng 150-89 demolisyon habang nanaig naman si Hohmann kay Mika Immonen ng Finland sa hiwalay na semis match, 150-28.
Tinalo rin ni Corteza sa quarterfinals si Bob Madenjian ng Amerika, 150-113 desisyon sa event na suportado ng World Pool-Billiard Association.
Nakapasok sa knockout stage si Corteza matapos manguna sa Group 2 tangan ang 6-1 rekord kung saan tinalo nito sina Jonathan Smith ng Amerika sa first round (100-13), Danny Barouty ng Amerika sa second round (100-39), Bob Darigis ng Amerika sa fourth round (100-61), Maksin Dudanets ng Russia sa fifth round (100-44), Melling sa sixth round at Alex Borukhovich ng Amerika sa seventh round. Natalo lamang si Corteza kay Hohmann sa third round (21-100).
Napasakamay ni Corteza ang tumataginting na $6,500 premyo habang nagkasya sa $4,000 si Hohmann.
Ito ang ikalawang sunod na titulo ni Corteza matapos pagharian ang World Pool Series Kamui 8-Ball Challenge may dalawang linggo na ang nakalipas.
- Latest