Pelicans niyanig ang Rockets
NEW ORLEANS - Humataw si Solomon Hill ng career-high na 30 points para tulungan ang Pelicans na malampasan ang hindi paglalaro ni All-Star DeMarcus Cousins at kunin ang 128-112 panalo laban sa Houston Rockets.
Kumolekta si Anthony Davis ng 24 points at 15 rebounds para sa New Orleans, naipanalo ang tatlo sa huling apat na laro, habang nagdagdag si Jrue Holiday ng 19 points bagama’t nalagay sa maagang foul trouble.
Humakot naman si James Harden ng triple-double sa kanyang tinapos na 41 points, 14 rebounds at 11 assists para sa unang kabiguan ng Rockets sa huling apat na laban.
Nag-ambag si guard Lou Williams ng 14 points kasunod ang 13 markers ni Montrezl Harrell para sa Houston.
Hindi naglaro si Cousins dahil sa pananakit ng kanyang kaliwang tuhod at dibdib.
May 2-0 record ang Pelicans sa tuwing nakaupo si Cousins at 3-7 matapos siyang makuha mula sa trade noong Feb. 19.
Sa Washington, umiskor si Bradley Beal ng 24 points at naglista si John Wall ng career-high na 20 assists at 14 points para pamunuan ang Wizards sa 112-87 paggupo sa Chicago Bulls.
Nakabangon ang Bulls mula sa 19-point deficit at nagkaroon ng tsansang makatabla sa Wizards kundi lang naimintis ni Jimmy Butler ang kanyang 3-pointer sa huling 3.9 segundo ng laro.
Tumapos si Butler na may 28 points at nagdagdag si Robin Lopez ng season-high 25 points at 12 rebounds.
Sa iba pang laro, tinalo ng Celtics ang Brooklyn Nets, 98-95; binigo ng Miami Heat ang Minnesota Timberwolves, 123-105; pinatumba ng Milwaukee Bucks ang Los Angeles Lakers, 107-103; giniba ng Philadelphia 76ers ang Dallas Mavericks, 116-74; ginulat ng Toronto Raptors ang Detroit Pistons, 87-75 at pinatid ng Orlando Magic ang Phoenix Suns, 109-103.
- Latest