Tornadoes sinalanta ang Asset Managers
MANILA, Philippines - Sumampa sa win column ang Foton Tornadoes nang sagasaan ang Cocolife sa pamamagitan ng 25-16, 25-17, 25-13 demolisyon kagabi sa 2017 Philippine Superliga Invitational Tournament sa The Arena sa San Juan City.
Kumuha ng lakas ang Tornadoes kay three-time NCAA MVP Grethcel Soltones na bumira ng 10 puntos para umangat ang kanilang tropa sa 1-1 baraha.
Nagbigay din ng solidong kontribusyon sina team captain Dindin Santiago-Manabat, middle blocker Maika Ortiz at playmaker Rubie De Leon habang minanduhan ni libero Jen Reyes ang floor defense sa hanay ng Tornadoes.
Dominado ng Tornadoes ang attack line matapos pumalo ng 40 kills kumpara sa 19 lamang ng Asset Managers.
Naibaon din ng Foton ang 11 aces kasama pa ang limang blocks laban sa Cocolife na nagtala ng 19 errors.
Ang panalo ang nagsilbing resbak ng Tornadoes na lumasap ng unang kabiguan sa kamay ng Cignal (24-26, 25-20, 24-26, 25-13, 15-9) sa opening day ng torneo.
Laglag sa 0-2 ang Asset Managers.
Magpapatuloy ang aksiyon bukas sa Malolos Sports and Convention Center tampok ang bakbakan ng Cignal at Sta. Lucia sa alas-3 kasunod ang duwelo ng Foton at Generika sa alas-5 at ng Petron at Cocolife sa alas-7.
Maglalaro ang mga koponan sa single-round elimination kung saan ang tatlong mangungunang koponan ang siyang uusad sa final round.
Makakasama ng Top 3 teams ang Kobe Shinwa University-Japan sa round-robin final round.
Ang tatlong kopona na malalaglag ay maglalaro naman sa classification round. (CCo)
- Latest