Lyceum, Perpetual spikers tuloy sa pananalasa
MANILA, Philippines - Patuloy ang ratsada nina Lyceum of the Philippines University bets Jhonel Badua at Joeward Presnede at nina University of Perpetual Help System Dalta duo Relan Taneo at Rey Taneo upang manatiling malinis ang kanilang rekord sa NCAA men's beach volley tournament kahapon sa Subic Park Hotel sa Subic Bay.
Naitakas nina Badua at Presnede ang panalo kina Arellano University pair Kenneth Aliyacyac at Joshua Esguerra, 17-21, 21-18,15-12 at kina reigning champion Mapua Institute of Technology tandem Rey Arth Andaya at Sam Damian, 21-13, 17-21, 15-12 para dalhin ang Pirates sa ikapitong sunod na panalo.
Umariba rin ang Taneo siblings na iginupo sina Christian Calonia at Jahir Ebrahim ng San Sebastian College, 21-14, 21-17 para kapitan ang 7-0 rekord.
Maghaharap ang Lyceum at Perpetual Help ngayong umaga kung saan ang magwawagi ay awtomatikong uusad sa finals kalakip ang twice-to-beat advantage.
“The boys have trained hard with an intention of winning it this year,” ani Lyceum coach Emil Lontoc.
Sa women's division, pinatumba nina San Beda twins Maria Jeziela at Maria Nieza Viray sina Czarina Pauline Orros at Cherilyn Jhane Sindayen ng Lyceum, 21-19, 21-13 para masolo ang liderato bitbit ang 6-0 baraha.
Tinalo naman nina Grethcel Soltones at Alyssa Eroa ng San Sebastian sina Perpetual Help spikers Marjito Medalla at Maria Aurora Bianca Tripoli, 21-19, 21-18 para sa 5-0 marka.
- Latest