Baby Tams ibinalik na sa Morayta ang korona
MANILA, Philippines - Sumandal ang Far Eastern University-Diliman kay LJ Gonzales para talunin ang National University Bullpups, 81-73 upang mabawi muli ang titulo ng UAAP Season 79 Juniors basketball tournament na ginanap sa FilOil Flyng V Arena ng San Juan City.
Nagkaroon ng pagkakataon ang Bullpups na mag-rally, 26-13 nang mag-foul trouble si Gonzales, ngunit hindi natinag ang Baby Tamaraws hanggang makuha ulit ang abante.
“Malaking bagay sa amin yung na-foul trouble si LJ. Walang nagpe-penetrate sa amin sa play at maganda ang ginawa ng NU,” sabi ni FEU-Diliman coach Allan Albano.
Pagbalik naman ni Gonzales muling nakuha ng Baby Tamaraws ang bentahe, 51-50 mga ilang minutos na lang bago ang fourth quarter.
“Mabuti at nakabawi siya,” dagdag ni Albano ukol kay Gonzales na siyang nahirang na Finals MVP.
Huling hinawakan ng Bullpups ang 63-60 lead, pero ayaw magpa-awat ni Gonzales at binitiwan ng Baby Tamaraws ang 15-4 run upang muling tumuntong sa unahan, 75-67 mahigit dalawang minuto na lang ang natitira sa laro.
Sa panalo ng Baby Tamaraws, tuluyan na nilang na-sweep ang Finals, 2-0 para sa kanilang unang korona simula 2012. Nagwagi rin ang FEU-Diliman sa Game 1 ng serye, 66-65.
Umiskor si Gonzales ng 12 puntos, six assists at tatlong rebounds habang si Kenji Roman ay umani naman ng 18 puntos at 15 rebounds at 13 naman na may kasamang anim na rebounds at dalawang steals mula kay RJ Abarrientos.
- Latest


















