Millsap itinakas ang Hawks sa 4 na OT laban sa Knicks
ATLANTA--Nagsalpak si Paul Millsap ng mahahalagang basket sa four-overtime game na natapos ng apat na oras at sinabing isa itong masayang laro na ayaw na niyang muling maranasan.
Nagtala si Millsap ng season-high na 37 points, tampok dito ang go-ahead layup sa nalalabing 27 segundo sa pang-apat na extension period, para tulungan ang Hawks na talunin si Carmelo Anthony at ang New York Knicks, 142-139.
Naglaro si Millsap sa loob ng 60 minuto na ibinuhos niya sa kanilang salpukan ni Anthony.
“There was no chance I was coming out,” wika ni Millsap, nagdagdag ng 19 rebounds at season high na 7assists.
Ito ang unang four-overtime game ng Knicks sa nakaraang 66 taon.
Iniskor ni Anthony ang panablang basket sa pagtatapos ng regulation at sa unang overtime period bago na-foul out sa huling 12.9 segundo sa ikalawang overtime.
Sa Portland, naisuko ng Warriors ang ipinosteng 21-point lead bago matakasan ang TrailBlazers, 113-111.
Itinala ng Golden State ang 51-30 kalamangan ngunit nakatabla ang Portland sa 68-68 sa gitna ng third period.
Kumamada si Kevin Durant ng magkasunod na baskets at nagsalpak naman si Klay Thompson ng isang triple para ibigay sa Warriors ang 106-99 bentahe sa huling 37 segundo.
Muling idinikit nina Damian Lillard at CJ McCollum ang Trailblazers sa 107-109 agwat sa nalalabing 17 segundo.
Sa San Antonio, tumapos si Seth Curry na may 24 points para akayin ang Dallas Mavericks sa 105-101 panalo laban sa Spurs.
Kumonekta si Curry, kapatid ni Stephen Curry ng Golden State Warriors, ng apat na three-point shots para ibangon ang Mavericks sa naunang kabiguan sa Oklahoma City Thunder.
Sa iba pang results, tinalo ng Cleveland ang Oklahoma, 107-91; tinakasan ng Indiana ang Houston, 120-101; binigo ng Washington ang New Orleans, 107-94; nilusutan ng Orlando ang Toronto, 114-113 at giniba ng Chicago ang Philadelphia, 121-108.
- Latest