San Beda lumapit sa F4; Perpetual humihinga pa
MANILA, Philippines - Nalusutan ng San Beda College ang matikas na hamon ng Mapua Institute of Technology, 25-16, 25-15, 22-25, 20-25, 15-9 upang makalapit sa inaasam na Final Four slot sa NCAA Season 92 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Muling umariba si open hitter Francesca Racraquin nang magrehistro ito ng 16 puntos habang nakatuwang nito si Satrianni Espiritu nang umani ng 13 puntos tampok ang limang blocks para pamunuan ang Red Spikers sa ikaanim na panalo sa siyam na laro.
Awtomatikong makukuha ng San Beda ang silya sa semis kung matatalo ang Lyceum of the Philippines University (5-3) at University of Perpetual Help System Dalta (5-3) sa kanilang mga huling laro.
Namayani ang Lady Altas laban sa Jose Rizal University, 25-23, 25-22, 24-26, 25-15 na siyang bumuhay sa pag-asa nitong makahirit ng tiket sa semis.
Sa Enero 25, makakalaban ng Lady Pirates ang San Sebastian Lady Stags na kasalukuyang nasa tuktok ng standings hawak ang malinis na 7-0 baraha habang ang Lady Altas naman ay haharap sa parehong petsa laban naman sa Arellano University Lady Chiefs.
Kung magkakaroon ng triple-tie ang San Beda, Lyceum at Perpetual Help, babasagin ito sa pamamagitan ng playoffs upang madetermina ang mga papasok sa Final Four.
“We took care of business, that’s the most important thing. Now we’ll just wait,” pahayag ni San Beda coach Nemesio Gavino.
Tinapos ng Lady Cardinals ang kampanya nito tangan ang 0-9 rekord.
Sa men’s division, pinataob ng San Beda ang Mapua, 22-25, 25-23, 25-13, 25-13 para masungkit ang huling tiket sa Final Four.
Bumandera sa atake ng Red Lions si Mark Christian Enciso na may 16 hits samantalang nagdagdag naman si Gerald Zabala ng 12 puntos gayundin sina Adrian Viray, Limuel Patenio at Mark Lorenze Santos ng tig-10 puntos.
- Latest