Soltones iginiya ang Lady Stags sa panalo laban sa Lady Altas
MANILA, Philippines – Hindi maawat ang San Sebastian College nang isama nito ang University of Perpetual Help System Dalta sa kanilang mga biktima sa pamamagitan ng 25-22, 25-13, 25-13 panalo upang manatiling malinis ang kanilang rekord sa NCAA Season 92 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City kahapon.
Nagbalik na ang bangis ni reigning two-time MVP Grethcel Soltones nang magpasabog ng 19 puntos tampok ang 18 sa attack line para dalhin ang Lady Stags sa ika-pitong sunod na panalo at makalapit sa inaasam na sweep.
Naging malakas na suporta sina Katherine Villegas at Joyce Sta. Rita na kumana ng tig-pitong puntos gayundin si Nikka Dalisay na may nai-ambag na limang puntos.
Maganda rin ang inilaro nina skipper Vira Guillema na may 34 excellent sets at Alyssa Eroa na naglista ng 21 digs at 7 receptions.
Tanging si Lourdes Clemente lamang ang nagrehistro ng double digits para sa Lady Altas tangan sa kanyang 10 puntos, habang nalimitahan sa apat sina Coleen Bravo, Jamela Suyat at Jowie Verzosa, at tatlo si team captain Cindy Imbo.
Nalaglag sa 4-3 ang baraha ng Lady Altas.
Dalawang panalo na lamang ang kailangan ng San Sebastian para awtomatikong umusad sa finals.
Sasagupain ng koponan ang Lyceum of the Philippines University sa Enero 23 at ang nagdedepensang College of Saint Benilde sa Enero 25.
Pinataob naman ng Arellano University ang Benilde sa bendisyon ng 25-21, 25-21, 25-21 panalo upang masolo ang ikalawang puwesto tangan ang 6-1 rekord.
Nanguna sa atake ng Lady Chiefs si dating National University standout Rialen Sante na pumalo ng 15 puntos katuwang sina Jovielyn Prado na gumawa ng 13 puntos at Erica Calixto na nagdagdag ng 10.
Nahulog ang Lady Blazers sa 6-2 marka.
Umariba sina Ranya Musa at Arianne Daguil para sa Benilde hawak ang pinagsamang 23 puntos subalit hindi ito sapat para dalhin ang kanilang tropa sa panalo.
Malaking butas ang 32 errors ng Lady Blazers, habang nalimitahan sa limang puntos si Season 91 Finals MVP Jeanette Panaga na karaniwan nang may average na 17 puntos kada laro.
Sa mens division, iginupo ng Benilde ang Arellano, 23-25, 25-16, 29-27, 25-20, para makuha ang solong pamumuno tangan ang 6-1 baraha.
- Latest