No. 1 berth pag-aagawan ng Foton at Petron
MANILA, Philippines – Paglalabanan ng nagdedepensang Foton at Petron ang top seeding sa semifinal round sa 2016 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Babasagin ng Tornadoes at Tri-Activ Spikers ang kanilang pagtatabla sa bakbakang nakatakda sa alas-7 ng gabi.
Magsisilbi namang appetizer ang duwelo ng RC Cola-Army at Cignal sa alas-5 ng hapon.
Magkasosyo sa liderato ang Foton at Petron hawak ang parehong 8-1 marka.
Nakasiguro na ng tiket ang dalawang koponan sa semis ngunit inaasahang ilalabas pa rin ng mga ito ang kanilang lakas upang maging maganda ang kanilang pag-entra sa susunod na yugto.
Babanderahan ang Tri-Activ Spikers ni American import Stephanie Niemer na bukod sa matatalim na atake sa front line, nagtataglay din ito ng pamatay na services na lubos na nagpapahirap sa reception ng kanilang mga nakakalaban.
Makakatuwang ni Niemer si FIVE Women’s World Club Championship veteran Ces Molina gayundin sina Aiza Maizo-Pontillas, Christine Joy Rosario, Jen Reyes, April Ross Hingpit at isa pang reinforcement na si Serena Warner.
Ngunit hindi pakakabog ang Tornadoes na nagtataglay ng matangkad na lineup sa pangunguna ni 6-foot-5 Jaja Santiago na galing sa training camp sa Japan kasama ang National University.
Aariba rin para sa Foton sina American imports Lindsay Stalzer at Ariel Usher, habang malaki rin ang magiging parte nina middle blockers Dindin Santiago-Manabat at Maika Ortiz, setter Rhea Dimaculangan at libero Bia General.
Sinabi ni Foton mentor Moro Branislav na magandang pagkakataon ang kanilang pakikipagtipan sa Petron upang maihanda ang kaniyang tropa para sa semis.
“We will use it to prepare us in the semifinals. We’re more focused on our semis game. It’s a knockout format so we really have to be prepared and more careful,” ani Branislav.
- Latest