Unang kabiguan naging motibasyon ng Pocari sa titulo
MANILA, Philippines – Hindi maganda ang simula ng Pocari Sweat sa Shakey’s V-League Season 13 Reinforced Conference matapos lumasap ng kabiguan sa kamay ng Philippine Air Force sa kanilang unang asignatura.
Ngunit hindi ito ininda ng Lady Warriors. Sa halip, ito ang nagsilbing inspirasyon ng koponan upang bumangon bitbit ang determinasyon para matamis na angkinin ang kampeonato.
“Alam kong kaya namin bumangon from that loss. Naging wake up call sa amin yun to train really hard para hindi na maulit. And I’m happy na lahat kami gusto talagang makabawi. Talagang pinaghirapan namin para makuha namin ito,” wika ni team captain Michele Gumabao na siyang itinanghal na Finals MVP.
Lumabas ang bangis ng Lady Warriors sa mga sumunod na laban nito kabilang ang 2-0 demolisyon laban sa paboritong Bureau of Customs sa kanilang best-of-three championship series.
Inilista ng Pocari ang 25-22, 25-18, 25-18 magaan na panalo sa Game 1 bago ilusot ang 25-14, 25-10, 22-25, 25-23 pananaig sa Game 2.
“Masarap talaga manalo lalo na kapag pinaghihirapan mo bago mo makuha,” dagdag ni Gumabao.
Malaking tulong ang American imports ng Pocari lalo na si open hitter Breanna Lee Mackie na siyang pangunahing pinagkukunan ng puntos ng tropa.
Nariyan rin si Andrea Kay Kacsits na umaagapay sa solidong depensa ng Lady Warriors sa net kasama sina Gumabao at Desiree Dadang.
Maganda rin ang kontribusyon nina Open Conference Finals MVP Myla Pablo, Elaine Kasilag at libero Melissa Gohing.
Ang tagumpay ng Pocari ang nagsilbing despedida ng koponan kay setter Gyzelle Sy na tuluyan nang lilisanin ang grupo upang tuparin ang kanyang pangarap na maging bahagi ng Philippine Army.
Gayunpaman, mananatiling solido ang Pocari na unti-unting gumagawa ng dinastiya sa liga.
Ito ang ikalawang kampeonato ng Pocari matapos pagreynahan ang Open Conference.
“Hindi madali ang pinagdaanan namin. Marami kaming heartaches bago makuha ito. Alam kong lalaban ang Customs pero tiwala ako sa team ko na kaya nila. And it feels great. Nakita ko yung determination ng mga bata,” ani Pocari mentor Rommel Abella.
- Latest