Carlos at Pedrosa nagkampeon sa Open singles ng Bingo Bonanza National Open Badminton
MANILA, Philippines – Kagaya ng inaasahan, dinomina nina Bianca Carlos at Ros Pedrosa ang kanilang mga dibisyon para hiranging kampeon sa Open singles ng P1.5 million Bingo Bonanza National Open Badminton Tournament kahapon sa SM Megamall.
Dinaig ni Carlos, ipinagpatuloy ang pagtatala ng straight-set victories kabilang ang 21-15, 21-10 panalo laban kay Malvinne Ann Alcala sa semifinals, ang 2015 champion at top seed na si Sarah Joy Barredo, 21-13, 21-11, para sikwatin ang women’s singles crown.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Ateneo bet kontra kay Barredo ngayong taon matapos ang FDG Cup finals noong Hunyo.
Pinataob ni Pedrosa, ang third-ranked mainstay ng PBA Smash Pilipinas, si unseeded Clarence Filart, 21-11, 21-14, para angkinin ang men’s singles title sa annual top-ranking tournament na itinataguyod ng Bingo Bonanza.
Sina Carlos at Pedrosa ay kapwa nagbulsa ng premyong tig-P100,000.
Umiskor naman sina Peter Magnaye at Indonesian Devi Permatasari ng 21-15, 21-19 panalo laban kina Ronel Estanislao at Keshya Hanadia ng Indonesia para kunin ang Open mixed doubles crown sa event na inorganisa ng EventKing Corp. katuwang ang official equipment na Victor at Smash Pilipinas.
- Latest