Cudiamat, Aquino umabante sa 3rd round
MANILA, Philippines – Nagmartsa sa third round sina top seed Kevin Cudiamat at Mika Aquino ng Adamson matapos takasan ang kanilang mga karibal sa 2016 Bingo Bonanza National Open Badminton Tournament kahapon sa CW Home Depot Ortigas sa Pasig City.
Inangkin ni Cudiamat ang 23-25, 21-10, 21-13 panalo laban kay JC Clarito ng HP2 sa men’s Open singles na naglalatag ng premyong P1.5 milyon sa event na itinataguyod ng premier gaming and amusement center na Bingo Bonanza.
Lalabanan ng PBA Smash Pilipinas ace, natalo kay absentee Mark Alcala sa finals noong nakaraang taon, si Cris Sanchez ng Team Prima/UST na sumibak kay Niel Pineda, 16-21, 21-17, 21-18 para sa tiket sa quarterfinals ng premier badminton championship na may basbas ng Philippine Badminton Association na pinamumunuan nina president Jejomar Binay at sec-gen Rep. Albee Benitez.
Nilusutan naman ni Aquino si Angela Ramos ng Ateneo, 21-13, 15-21, 21-10 sa women’s singles sa top-ranking tournament na nagtatampok sa mga miyembro ng national team at pool bukod pa sa mga collegiate at club ranks.
Sa iba pang resulta sa men’s singles, pinadapa ni fourth ranked Orlan Ticala ng Team Prima si Michael Saragena, 21-12, 21-14 at giniba ni Carlo Remo ng Ateneo si Michael Clemente, 21-19, 21-10.
- Latest