PCA-Open ATF Tour Pinoy netters mainit ang simula
MANILA, Philippines - Pinangunahan nina reigning PCA Open Patrick John Tierro at dating junior campaigner Argil Lance Canizares ang pag-martsa ng mga Pinoy netters sa quarterfinals ng 35th Philippine Columbian Association (PCA) Open-Cebuana Lhuillier ATF Tour kahapon sa PCA indoor shell-clay court sa Paco, Manila.
Mabilis na dinispatsa ni Tierro ang kababayang si Eric Olivarez Jr., 6-2, 6-3, habang sinorpresa ng 19-anyos na si Canizares si ITF campaigner Medhir Goyal ng India, 6-1, 6-3, sa torneong may basbas ng Asian Tennis Federation.
“One game at a time lang. Slow start siya (Olivarez) and I took advantage of it. Here at PCA, anyone can beat you here so kailangan prepared parati,” wika ni Tierro.
Nakasiguro rin ng tiket sina Davis Cup veteran Elbert Anasta, Rolando Ruel Jr. at Filipino-Italian Marc Anthony Reyes matapos magrehistro ng magkaibang panalo sa kani-kanilang first round matches.
Hindi pinagpawisan si Anasta matapos madefault si Mohammadali Mamaghaninia ng Iran habang kinailangan ni Ruel ng malakas na puwersa para pigilan si De La Salle University standout Kyle Parpan, 7-6 (3), 6-3.
“At first, kinabahan talaga ako pero nung nagsimula na kami pumalo-palo, dun ko na na-gain yung confidence ko,” pahayag naman ni Canizares.
“Sa first set medyo mabilis yung laro pero nung second set, kontrolado ko na yung game,” dagdag pa ni Canizares na incoming fourth year Sports Management student sa De La Salle University.
Taob din kay Reyes ang kababayang si Mark Ervin Concepcion, 6-0, 6-2.
Titipanin ni Tierro sa quarterfinals si Ruel samantalang muling daraan si Canizares sa matinding pagsubok laban kay Reyes na 2013 PCA Open runner-up.
Aarangkada naman si Anasta laban sa Pilipinong si Jose Maria Pague na nagwagi rin via walkover kay Mustafa Alsaedi ng Iraq.
Nauna nang nagmartsa sa quarterfinals ang top seed at eight-time PCA Open champion na si Johnny Arcilla na nakasiguro ng opening-round bye sa event na suportado ng The Philippine Star, Dunlop, Whirlpool-Fujidenzo, Chris Sports, Mary Grace, Aseana City, PVL Restaurant, Maverick, Compass, Babolat, Just Jewels, Rexona, Palm Rock, Coca Cola Femsa Philippines, Pearl Garden Hotel, Pearl Lane Hotel, Sen. Manny Pacquiao, L&M, Broadway Motors, Stronghold Insurance at Monte.
Makakaharap ni Arcilla ang magwawagi sa pagitan nina Ronard Joven at Parth Aggarwal ng India.
Nakalaan ang $1,200 premyo para sa magkakampeon habang tatanggap ng $900 ang runner-up.
- Latest