Jet Spikers pinahigpit ang kapit sa No. 3 sa Spikers’ Turf Lady Warriors nakauna sa semis
MANILA, Philippines – Nasungkit ng Pocari Sweat ang unang tiket sa semifinals matapos bombahin ang Baguio, 25-18, 25-17, 25-15, kahapon sa Shakey’s V-League Season 13 Open Conference sa The Arena sa San Juan City.
Hindi naging problema ang pagkawala ng top scorers na sina Michele Gumabao at Mayla Pablo dahil umangat ang laro nina reserve players Rossan Fajardo at Maricar Nepomuceno para hatakin ang Lady Warriors sa ikaapat na sunod na panalo.
Naibaon ni Fajardo ang 15 puntos mula sa 11 atake at apat na aces habang naasahan din si Nepomuceno na may pitong attacks, tatlong blocks at dalawang service point.
Nag-ambag naman si open hitter Elaine Kasilay ng siyam na puntos at pinagsamang 11 puntos sina Roselle Baliton at Rosemarie Vargas.
“Kailangan kasi naming mag-step up dahil wala nga sina Michele and Myla kaya doble ang effort na ibinigay namin. Maganda rin na hindi nawala yung communication namin sa loob ng court kaya maganda ang naging resulta,” wika ni Fajardo na kapatid ng UAAP Best Setter na si Kim Fajardo ng De La Salle University.
Pumalo ng kabuuang 41 hits ang Pocari, malayo sa 20 lamang ng Baguio. Nakakuha pa ang Lady Warriors ng 10 kabuuang aces at limang blocks.
Lumasap ng ikaapat na sunod na kabiguan ang Baguio upang manganib ang kanilang tsansang makahirit ng puwesto sa semis.
Sa Spikers’ Turf, napatatag ng Air Force ang kapit nito sa ikatlong puwesto matapos payukuin ang Bounty Fresh, 25-20, 25-17, 25-17, sa likod ng pagsisikap nina Ismail Fauzi, Jeffrey Malabanan at Rodolfo Labrador.
Pumalo si Fauzi ng 13 puntos habang nagdagdag ng 12 si Malabanan at 11 naman si Labrador para tulungan ang Jet Spikers na makuha ang ikalawang panalo sa tatlong laro.
Nalaglag sa 0-2 baraha ang Soaring Griffins kung saan taging si Philip Michael Bagalay lamang ang nakapagtala ng double digits na 12 puntos.
- Latest