James, Cavs rumesbak: Warriors tinambakan sa Game 3
CLEVELAND-- Nakipag-agawan sa sahig para sa loose ball, inayos ni LeBron James ang sarili at tumayo.
Kasabay nito ay ang pagbangon din ng Cavaliers.
Nagpasabog si James ng 32 points at humakot ng 11 rebounds, habang nagdagdag si Kyrie Irving ng 30 points para tulungan ang Cavaliers sa 120-90 paglampaso sa Golden State Warriors sa Game 3 ng NBA Finals.
Sa kanilang home floor kung saan sila nagtala ng 9-0 record sa postseason, inilapit ng Cavs sa 1-2 ang kanilang serye ng Warriors matapos matalo sa Game 1 at 2 sa pinagsamang 48 points sa Bay Arena.
“Coaching staff gave us a great game plan and we executed it,” sabi ni James.
Nanalo ang Cavs nang wala si starting forward Kevin Love at sumandal sa kanilang bench para limitahan si NBA MVP Stephen Curry.
Gusto ni Love na maglaro, nagkaroon ng concussion matapos masiko sa likod ng kanyang ulo ni Barnes sa Game 2, subalit siya ay inilagay sa concussion protocol ng NBA at hindi pa pinapayagan ng liga at ng kanilang team doctors.
Isinama ni coach Tyronn Lue sa starting five si veteran Richard Jefferson at inilagay si James sa power forward spot ni Love para sa mas maliit na line-up ng Cavs na siyang makakasabay sa Warriors.
Tumapos si Curry na may 19 points mula sa masamang 6-of-13 fieldgoal shooting kasunod ang 18 ni Harrison Barnes, habang may 10 si Klay Thompson para sa Warriors, nagtala ng record na 73 wins sa regular season.
“We’ve got to give the same effort on Friday,” wika ni James . “It started defensively and it trickled down to the offensive side.”
Aminado naman si coach Steve Kerr na ibang Warriors, nakabangon mula sa 1-3 deficit laban sa Oklahoma City Thunder sa Western Conference finals, ang nakita niya sa Game 3.
“We were soft,” sabi ni Kerr. “When you’re soft, you get beat on the glass and turn the ball over.”
- Latest