Warriors kumikikig pa, humirit ng Game 7 sa Thunder
OKLAHOMA CITY - Ipinasa ni Stephen Curry ang responsebilidad kay Klay Thompson at hindi siya pinahiya ng kanyang ‘Splash Brother’.
At nang mag-init si Curry, tiniyak na ng Golden State Warriors ang muling paglalaro sa kanilang record-setting season.
Nagsalpak si Thompson ng playoff-record na 11 three-pointers at tumapos na may 41 points para igiya ang defending champions sa 108-101 panalo laban sa Oklahoma City Thunder sa Game 6 ng Western Conference final.
Ang panalo ang nagtabla sa Warriors sa Thunder sa 3-3 sa kanilang best-of-seven series.
Nakatakda ang Game 7 sa Lunes (Martes sa Manila) sa Oakland.
Nagdagdag naman si Curry ng 29 points, 10 rebounds at 9 assists.
Pipilitin ng Warriors, nagposte ng NBA regular-season record na 73 wins, na maging pang-10 koponan na nakabangon mula sa 1-3 deficit at makuha ang karapatang labanan ang Cleveland Cavaliers sa NBA Finals.
“We’ve got a lot of belief and a lot of heart, and we’ve given ourselves a chance to win this series,” wika ni Curry. “That’s all we could ask for. There’s obviously a lot of excitement, but we still have one job to do.”
Kumamada si Thompson ng 19 points sa fourth quarter para tulungan ang Warriors na makabawi sa eight-point deficit.
Dinomina ng Oklahoma City ang Games 3 at 4 sa kanilang tahanan, ngunit tumipa ang Warriors ng 21-of-44 shooting sa 3-point line sa Game 6 kumpara sa 3-of-23 ng Thunder.
Pinamunuan ni Kevin Durant ang Oklahoma City sa kanyang 29 points kasunod ang 28 ni Russell Westbrook.
Nagtala si Durant ng 10-of-31 shots at may 10-of-27 si Westbrook.
- Latest